Pasahero sugatan sa bus holdap
MANILA, Philippines - Muling nakalusot sa ipinagmamalaking police visibility ng Pasay City Police ang mga kilabot na holdaper ng bus maÂkaraang isa na namang pampasaherong bus ang sinalakay ng mga ito, kahapon ng madaling-araw. Kritikal sa San Juan de Dios Hospital makaraang barilin sa sikmura nang tumangging iabot ang kanyang mga gamit ang isang pasahero ng bus na nakilalang si Zenaida Lahoy, 57, ng Cupang, Antipolo City.
Walang nagawa ang ibang mga biktima ng holdap kundi iulat na lamang sa pulisya ang insidente. Sa ulat ng Pasay Police-Station Investigation and Detective Management Section, dakong alas-4:45 ng madaling-araw nang maganap ang panghoholdap sa mga pasaherong sakay ng Precious Grace Transport bus na may biyaheng Bulacan-EDSA-NAIA.
Ayon sa driver ng bus na si Edwin Lazoro, 41, nagdeklara ng holdap ang apat na suspect na nagpanggap na pasahero pagsapit nila sa may kanto ng Evangelista St. at EDSA, Makati City. Pumalag naman ang pasaherong si Lahoy kaya ito binaril ng isa sa mga holdaper. Bumaba ang mga salarin pagsapit sa EDSA kanto ng E. Rodriguez St., sa Malibay, Pasay kung saan malayang nakatakas ang mga ito. Nabatid na sumakay umano ang mga holdaper sa may Guadalupe, Makati City.
- Latest