2 pulis sugatan sa kilos-protesta
MANILA, Philippines - Dalawang tauhan ng Quezon City Police District ang iniÂulat na nasugatan makaraang sumiklab ang kaguluhan sa pagitan ng umaalmang residente na nagsagawa ng kilos-protesta laban sa nakatakdang demolisyon sa kanilang kabahayan sa bahagi ng Sitio San Roque, Quezon City.
Kinilala ang mga biktimang sina PO2 Ricky Garcillo at PO1 Larry Cristaguile, kapwa nakatalaga sa Civil Disturbance Management-District Police Safety Battalion ng QCPD.
Sumiklab ang gulo matapos na tangkain ng mga taÂuhan ni P/Supt. Pedro Sanchez, hepe ng Police Station 2 na tanggalin ang mga nakaharang na mga residente na nagbarikada sa dalawang linya ng kalye sa Agham Road.
Bandang alas-6 ng umaga nagsimulang magbarikada ng mga naninirahan sa Sitio San Roque, Brgy. Pagasa dahil sa hinalang may malawakang demolisyon sa kani-kanilang bahay matapos ang takdang araw na ibinigay ng lokal na pamahalaan.
Matapos nito, sinimulan ng mga residente na sakupin ang tatlong linya ng Agham Road kaya nagkabuhul-buhol ang daloy ng trapiko.
Agad namang dumating ang ilang opisyal ng Human Rights at kinausap ang mga residente na tumabi subalit binalewala sila ng mga ito, hanggang sa rumesponde ang pulisya.
Ilang oras na nakipag-negosasyon ang mga awtoridad sa mga residente subalit hindi tumutugon kaya pagdating ng reinforcement mula sa QCPD-CDM-DPSB ay siniÂmulang buwagin ang barikada.
Dito na nagsimula ang gulo makaraang paulanan ng mga bato, bote, at iba pang bagay ang mga awtoridad hanggang sa magkasakitan.
Ayon kay Sanchez, wala silang nalalaman na demolisyong magaganap sa nasabing lugar at naroon lamang sila upang hawiin ang pagbabara sa kalye ng Agham Road at para magbantay.
Tumagal ng halos apat na oras ang ginawang kilos-protesta bago mapahupa ng mga awtoridad.
Binigyan ng palugit ng lokal na pamahalaan ang mga residente hanggang Hulyo 30 na lumisan sa kani-kanilang tahanan dahil sa planong gawing business district ang nasabing lugar.
- Latest