LRT 2 nagkaaberya na naman
MANILA, Philippines - Muli na namang nagka-problema ang 10-taong gulang na Light Rail Transit Line 2 makaraang tumirik ang isa nitong tren sa bahagi ng Betty Go Belmonte station sa may Quezon City na naging dahilan ng pagka-stranded ng libu-libo nitong pasahero kahapon ng umaga.
Sinabi ni Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng LRTA, na aksidenteng na-activate ang automatic break ng isa nilang tren dakong alas-7:35 ng umaga sanhi upang biglaang huminto ito malapit sa nabanggit na istasyon.
Dahil kailangan ng matagal na oras para maayos ang problema, pinababa ang mga pasahero at naglakad pabalik sa Betty Go Belmonte station habang nabalahaw naman ang biyahe ng ibang tren kung saan nagdeklara ang LRTA ng code red.
Kinailangan pa umano ng “intervention†ng kanilang technician upang mare-set ang automatic breaks para mapaandar ang tumirik na tren. Hindi naman tiyak ang sanhi ng pag-apply ng emergency break na inaalam na ng mga technicians.
Pasado alas-9:30 na nang alisin ang code red at magbalik ang operasyon ng LRT-2.
Sa rekord ng LRTA, nasa 10 taon pa lamang ang mga tren ng Line 2 na binuksan noong Abril 5, 2003 kumpara sa Line 1 na may mga tren pang umaandar buhat pa noong dekada ’80.
- Latest