Namatay sa pagsabog sa Taguig kilala na
MANILA, Philippines - Kilala na ang tatlong nasawi at limang sugatan sa naganap na pagsabog sa isang condominium sa Taguig City kamakalawa ng gabi.
Sa press briefing kahapon ni Department on Interior and Local GovernÂment (DIGL) Secretary Mar Roxas, ang mga nasawi ay sina Salinar Natividad, 41, taga-San Jose Del Monte, Bulacan, driver; Jeffrey Umali, 33, ng Nueva Ecija at Marlon Badiola, 29, residente ng Carmona, Cavite, pawang mga pahinante ng Abenson Appliances delivery sanhi ng matinÂding pinsala na tinamo ng mga ito sa kani-kanilang katawan.
Sugatan naman sina Angelito San Juan, pansamantalang nanunuluyan sa 501 Unit, Two Serendra, na matatagpuan sa 11th Avenue, Global City Fort Bonifacio, Taguig City; Allen Poole, isang American citizen, nanunuluyan naman sa Room 603 ng naturang condominium; ang batang babaeng si Louis Lorenzo, 9; Janice Nicole Bonjoc at April Joy Garcia, 19, na dinala sa St. Luke’s Hospital, Global City at nasa mabuti ng kalagayan.
Ayon kay Roxas base sa inisyal na imbestigasÂyon ng pulisya, naganap ang pagsabog dakong alas-8:10 ng kamaÂkalawa ng gabi sa ikalimang paÂlapag ng naturang conÂdominium.
Nagiba ang konkretong pader ng naturang condo unit at nabagsakan ang dumadaang delivery truck van ng Abenson, na pawang sakay ang nasawing mga biktima.
Habang ang isang Starex, na hindi nakuha ang plaka ay nakabuntot naman sa likuran ng naturang delivery van at sakay dito ang driver na si Orlando Agravante na hindi naman sugatan at ang batang si Lorenzo.
Habang nasa condominium naman ang mga sugatang sina Poole at San Juan, gayundin dumadaan din sa naÂturang lugar sina Bonjoc at Garcia.
Nabatid kay San Juan, isa sa mga sugatang biktima, bago naganap ang pagsabog ay tumawag ito sa Administrative Office ng Serendra para magÂreklamo dahil nakaramdam siya ng matinding init sa loob ng kanyang condo unit at nakaramdam siya ng suffocation.
Matapos aniya nitong makausap ang isa sa mga staff ng Administrative Office ay binuksan nito ang pinto ng kanyang condo unit hanggang sa naganap ang pagsabog.
Ayon kay Roxas, hanggang sa ngayon ay iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang sanhi ng pagsabog at wala pa aniyang malinaw at konÂkretong report dito.
Nagsanib na aniya ang pwersa ng Philippine National Police (PNP), pamunuan ng Ayala Land, Bureau of Fire Protection at Military para sa isinasagawang masusing imbestigasyon sa naturang insidente.
Ayon sa kalihim, gaÂgamitin nila ang high technology para sa mabilisang imbestigasyon kung saan kamakalawa ng gabi ay nagsagawa ng inspection ang mga awtoridad sa naturang lugar at nagpakalat ng tatlong K-9 dogs.
Lumalabas na wala namang senyales na bomba ang sumabog, subalit hindi pa naman isinaÂsantabi ng mga awtoriÂdad ang ganitong anggulo.
Upang hindi na aniya maulit, tiniyak ng pamunuan ng Ayala Land ang kaligtasan ng mga residente kung saan hindi muna nila pinabalik sa kani-kanilang unit ang mga residenteng umuÂokupa sa Two Serendra.
Isinumite na rin ng Ayala Land Management ang CCTV record ng condominium bilang isa sa mga mapapagkunan ng ebidensiya habang sinaÂsagawa ang imbestigasyon.
- Latest