Pulis utas sa tandem
MANILA, Philippines - Isang kagawad ng pulisya ang nasawi, habang dalawa pang lalaki ang nasugatan matapos na pagbabarilin ng riding-in-tandem ang una habang bumibili sa isang tindahan sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Kinilala ang nasawi na si PO2 Jayson Aragon, 35, nakatalaga sa Police Regional Office-4 San Mateo Police Station at residente sa Kaunlaran St., Brgy. Commonwealth, sa lungsodÂ.
Si Aragon ay nagawa pang maisugod sa Fairview General Hospital, pero idineklara ding dead- on-arrival sanhi ng tinamo nitong mga tama ng bala sa katawan at ulo, ayon pa sa ulat.
Sugatan naman sina Raymart Cadsawan, 21, at Rolando Herado, 29.
Ayon kay PO2 Jogene Hernandez, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may Kamagong St., Brgy. Commonwealth, ganap na alas-10:05 ng gabi.
Bago ito, ang biktima na papauwi na sana ng kanyang bahay mula sa pagdu-duty bilang mobile patrol crew at sakay ng kanyang motorsiklo nang pansamantala itong huminto sa isang sari-sari store sa nasabing lugar para may bilhin.
Bigla umanong sumulpot ang isang motorsiklo sakay ang mga suspect, kung saan agad na nagÂlabas ng baril ang angkas nito at pinagbabaril ang biktima.
Nang bumuwal ang biktima sa lupa ay saka sumibat ang mga suspect patungong Katarungan St. Habang ang biktima naman ay isinugod ng kanyang tatay na si Mang Florencio sa ospital, pero hindi na rin umabot pa ng buhay.
Sa pagsisiyasat, napag-alamang habang sakay ang mga suspect ng kanilang get-away na motorsiklo ay tinangkang parahin ito ng biktimang si Cadsawan dahil sa matuling pagpapatakbo, pero binaril siya ng isa sa mga una sa tiyan.
Ang biktimang si HeÂrado naman na noon ay naka-istambay lamang sa naturang lugar ay tinamaan naman ng ligaw na bala sa kaliwang hita.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente. InaÂalam din ang motibo sa isinagawang pamamaril sa biktima.
- Latest