Mister niresbakan ng pedicab driver
MANILA, Philippines - Sa sariling kamay na hinusgahan ng pedicab driver ang kanyang kapitbahay na sinasabing may atraso makaraang saksakin nito habang natutulog kahapon ng madaling-araw sa San Andres Bukid, Maynila.
Napuruhan sa dibdib at hindi na umabot ng buhay sa Sta. Ana Hospital ang biktimang si Jonathan Elazegue, 33, may-asawa, ng Tenorio Street, Dagonoy, San Andres Bukid habang hinahanting naman ng pulisya ang suspect na si Francisco Cuevas, 25.
Sa ulat ni PO3 Jupiter Tajonera ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-3:25 ng madaling-araw nang maganap ang krimen sa panulukan ng Dagonoy at Tenorio Streets.
Mahimbing na natutulog ang biktma sa papag na kahoy nang lapitan at pagsasaksakin ng suspect.
Nabatid na ang suspect ay naghain ng kasong physical injuries sa Manila City Prosecutor laban sa biktima kaugnay sa kasong pananaksak may ilang araw na ang nakalipas.
Pinaniniwalaang natiyempuhan ng suspect na nakahiga ang biktima saka isinagawa ang krimen.
- Latest