Ngayong labor day MPD handa na sa mga protesta
MANILA, Philippines - Tiniyak ng buong puwersa ng Manila Police District(MPD) na handa sila sa pagsalubong sa may 50,000 miyembro ng iba’t ibang militanteng grupo na nakatakdang magsagawa ng malaking pagkilos ngayong Labor Day.
Ayon kay MPD- OIC Senior. Supt. Robert Po, katuwang nila ang augmentation force ng NCRPO sa pagbabantay sa mga raliyista.
Nabatid na alas -7 pa lamang ng umaga ay magbabantay na ang kapulisan sa mga assembly area sa Liwasang Bonifacio at sa Mendiola na siyang huling destinasyon ng raliyista.
Maging ang mga vital installation ay babantayan rin ng kapulisan kabilang na ang LRT at MRT, oil depot, mga mall at iba pang mga matataong lugar.
Pinayuhan ni Po ang publiko na kung wala rin lang importanteng lakad mas makabubuti na manatili na lang sa kanilang bahay para maiwasan ang inaasahang pagsisikip ng trapiko.
Kaugnay nito, nagsagawa na ng vigil kahapon ng alas- 6 ng gabi sa Mendiola ang mga miyembro ng Partido ng Manggagawang Pilipino (PMP).
Nabatid sa PMP na may 20,000 nilang miyembro ang lalahok sa mobilisasyon ngayong araw.
Samantala, ang Kilusang Mayo Uno sa kanilang itinakdang assembly area, bago magpunta sa Liwasang Bonifacio at dakong alas-3:30 ng hapon magma-martsa papuntang Mendiola.
- Latest