Police station, pinasabugan
MANILA, Philippines - May hinala ang mga awtoridad na paghihiganti ng isang grupo ng masasamang elemento ang nasa likod ng pambabato ng isang pillbox na sumabog sa mismong harapan ng isang Police Community Precinct ng Manila Police District-Station 5 (MPD) sa Sta. Ana., Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Dakong alas- 3:00 ng madaling-araw nang marinig ang pagsabog sa Dagonoy-PCP na ikinagulantang ng mga pulis at iba pang residente.
Sinabi ni MPD-station 6 chief, P/Supt. Remegio Sedanto, nag-imbestiga na ang MPD-Explosive and Ordnance Division na nakitang pillbox ang pinaputok na naging dahilan ng pagkawasak ng salamin sa harapan ng PCP, na puminsala rin sa bubungan.
Ayon naman sa mga nakasaksi, nakasakay umano sa kotse ang naghagis ng pampasabog.
Hinala ni Sedanto, may kinalaman ang pagkakabuwag ng Caranto Criminal Group ang naturang insidente.
Ito’y matapos aniya nilang mahuli kamakailan ang lider ng grupo na si Arnold Caranto at pagkakapatay sa isa sa limang miyembro nito noong Abril 8, 2013.
Ang Caranto group ang itinuturong responsable umano sa pagtutulak ng iligal na droga, holdapan at iba pang uri ng kriminalidad.
- Latest