Jail officer bulagta sa QC jail
MANILA, Philippines - May posibilidad na heat stroke ang isa sa dahilan kaya nasawi ang 44-anyos na jail officer habang nagbabantay sa gate ng Quezon City Jail kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktima na si JO2 Fernando Rivas, may-asawa, miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na nakatalaga sa QC jail, at nakatira sa # 2 Sto. Domingo Street, Barangay Holy Spirit sa nasabing lungsod.
Sinasabing nagbabantay ang biktima kasama ang ka-buddy nitong si JO1 AneÂcor Colona sa main gate ng QC jail nang bigla na lamang bumuwal ang una mula sa kinauupuan bandang ala-1:40 ng umaga.
Agad na tinulungan ni JO1 Colona ang biktima at muling iniupo sa bangko subalit muling bumuwal kung saan lumabas na ang dugo sa bibig nito.
Ayon kay SPO1 Gregorio Maramag Jr., humingi na ng tulong si JO1 Colona sa mga kasamahang jail officer at isinugod sa East Avenue Medical Center subalit idineklarang patay ni Dr. Emmanuel Guiling.
Ayon naman kay P/Supt. Joseph Vela, jail warden ng QC jail, hinihintay pa nila ang resulta ng awtopsiya upang malaman ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng biktima.
- Latest