^

Metro

Bus salpok sa poste ng flyover: 49 sugatan

Ricky ­Tulipat - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines - Umabot sa 49 pa­sahero ang sugatan makaraang mawalan ng kontrol ang isang pam­pasaherong bus at sumalpok sa konkretong poste sa kahabaan ng  Commonwealth Avenue, lungsod Quezon, kamakalawa.

Ayon kay Senior Ins­pector Narciso Cajipe Jr., hepe ng Traffic Sector 3 ng Quezon City Police District (QCPD), ang lahat ng sugatang biktima ay sakay ng Everlasting bus (TXE-604).

Sinabi ni Cajipe, ka­bilang sa sugatan ay ang driver na si Rubencio Caneda, 49, residente ng Brgy. Humayao, Langkaan, Dasmariñas, Cavite.

Dagdag ng opisyal, si Caneda ay agad na tumakas matapos ang insidente na naganap dakong alas-10:30 ng gabi sa may north-bound lane ng Commonwealth Avenue.

Nabatid na tina­tahak ng  bus ang kahabaan ng Commonwealth Avenue nang biglang mawalan ito ng preno at sumalpok sa konkretong poste ng flyover.

Dahil sa lakas ng pag­kakasalpok, nawasak ang unahang bahagi ng bus, sanhi upang magtalsikan sa loob ang mga pasahero nito na tinatayang aabot sa 60 kung saan nasugatan ang 49.

Agad na sumibat sa lugar si Caneda, habang ang mga sugatan ay itinakbo naman sa East Avenue Medical Center (EAMC) para magamot.

Nabatid na  natakot at iniwan ng driver ang lugar­ saka nagtungo sa kanilang tanggapan.

Sabi pa ng opisyal, na­laman na lang nila ang pangalan ng driver nang dumating ang represen­tatives ng Everlasting sa kanilang tanggapan para ipakita ang driver’s license ni Caneda.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente kung saan po­sibleng maharap sa patung-patong na kaso ang nasabing driver.

Samantala, sa Caloocan, 32 katao ang ini­ulat na nasugatan ma­tapos magsalpukan ang isang pampasaherong bus at isang truck na nagla­laman ng mga bigas kahapon ng umaga­.

Naganap ang insi­dente dakong alas-6:00 ng umaga sa B. Serrano St., 7th Avenue, ng nabanggit na lungsod habang binabagtas ng naturang  mga sasakyan ang nasabing lugar, nang kapwa hindi nakontrol ng mga tsuper nito ang kanilang preno dahilan upang magsalpukan ang mga ito.

Dahil dito naipit ang driver ng truck na si Mo­nico Quinio sa kinau­upuan nito kaya’t hi­nintay pang hatakin ng dalawang tow truck ng MMDA ang dalawang nagbanggaang sa­sakyan  bago  naialis sa pagkakaipit ang na­turang biktima.

Kasalukuyan naman hawak ng mga pulis ang driver ng pampa­saherong bus na si Jerwin­ Febrero, kung saan pa­tuloy ang imbestigasyon kung sino ang may kasalanan sa nasabing insidente. (Dagdag na ulat ni Lordeth Bonilla)

 

CANEDA

COMMONWEALTH AVENUE

DAGDAG

DAHIL

DRIVER

EAST AVENUE MEDICAL CENTER

LORDETH BONILLA

SHY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with