Holdaper na pulis, tugis
MANILA, Philippines - Tinutugis na ng Manila Police District (MPD) ang isang dating pulis nakatalaga sa NCRPO nang personal na inguso ng tatlong nabiktima umano ng hulidap sa halagang P182,000 sa magkakahiwalay na insidente sa Tondo, Maynila.
Nabatid ito nang dumulog sa MPD-General Assignment Section (GAS) ang mga biktimang sina Eric Garuza, 37 at Roger Baguid Jr., 25, kapwa ng Tondo at Macario Albao, 38 ng Sta. Cruz, Maynila laban kay PO1 Eduardo Salamat Jr.
Sa report ng MPD, naganap ang unang insidente dakong ala-1:15 ng madaling-araw sa loob ng garahe ng mga pampasaherong jeepney na pag-aari ni Garuza na habang ang huling insidente ay naganap dakong alas-2:30 ng madaling-araw sa Balbao St., Tondo.
Sa salaysay ni Garuza, natutulog siya ng gisingin siya ng kanyang mga tauhan upang ipaalam na sapilitang pinasok ng suspect na nakasuot ng uniporme ng pulis at naka-jacket ng itim at sapilitang kinuha ang P30,000 cash na boundary ng kanyang mga drivers.
Kinabukasan ay nagtungo si Garuza at mga driver nito sa mga presinto upang kilalanin ang suspect subalit hindi nila ito nakita dahilan upang mag-report sa MPD-GAS kung saan kinilala nila ang suspect sa pamamagitan ng photo gallery.
Nagtitinda naman umano sina Baguid at Albao sa nasabing lugar nang dumating ang suspek at puwersahang kinuha ang kanilang napagbentahan na umaabot sa P152,000 cash.
Ang insidente ang inireport nila sa MPD-GAS kung saan kinilala rin nila ang suspect sa pamagitan ng photo gallery. Ang suspect ay dating nakatalaga sa MPD-DPHRDD subalit nailipat umano sa Bicutan noong 2009.
- Latest