MPD cop sinaktan, binantaan daw ni Erap
MANILA, Philippines - Handa umano ang mga opisyal ng Manila Police District (MPD) na humarap sa korte kaugnay sa mga bantang saÂsampahan sila ng patung-patong na kaso subalit hindi umano nila matanggap na ang dating pinakamataas na opisyal ng gobyerno ay bastusin , pagbantaan at saktan sila sa mismong harapan ng piskal habang nagsasalaysay sa inquest proÂceedings sa loob ng Manila City Prosecutor’s Office.
Sa isang press conference, sinabi ni Blumentritt-Police Community Precinct, commander, Insp. Ed Morata, hindi niya akalain na ang dating Pangulo na si Joseph Estrada ang mambabastos, mananakit at magbabanta sa kaniya sa gitna ng inquest proceedings laban sa mga inarestong sina Vice Mayor Isko Moreno at limang konsehal kaugnay sa illegal gambling, obstruction at resisting arrest.
“Nung nasa loob na kami ng fiscal’s office nahihinto po ako magsalita habang nagbibigay ng testimonya kasi sabay-sabay silang nagtatanong sa akin. Eto, ’yung totoo. Nakatayo po ako, si President Estrada po andito po (pointing to his left) eh sinusuntok po n’ya ko rito. Eh ginaganyan-ganyan n’ya ko... tatlong buwan na lang kayo. Sumagot po ako syempre po naaano po ako eh, sabi ko ’wag n’yo po kong saktan nasasaktan na po ako eh. Si piskal po nakita n’ya ’yung pangyayari pinalipat n’ya ko sabi n’ya sa akin tenyente dito ka. Sabi ko pa sa kanya (Erap) malaki po paggalang ko sa inyo ’wag nyo po kong ganyanin, lang po.
Aniya pa, noong oras na nakikipag-usap sila upang mapaÂhinto ang pa-bingo sa Tambunting, hinahanapan pa siya ng warrant of arrest at hinahamon pa ng mga opsiyal na arestuhin sila.
“Walang pong nag-uutos sa akin , nakatanggap lang ako ng tawag na may pa-bingo sa Tambunting at nang i-verify namin nadatnan namin na mayroon nga kaya pinakiusapan namin. Nung may mambato na dahil nagkagulo na pinoprotektahan pa namin ’yung mga konsehal at si Vice Mayor Moreno kasi to whom it may concern na kahit sino pwedeng tamaan. Pero nagalit pa ang mga konsehal. Sabi nila Konsehal Jong Isip at Konsehal Joel Chua, ‘kami konsehal kami… abugado aarestuhin mo ba kami,’ ani Morata.
Itinanggi naman ni dating Pangulong Estrada ang naturang paratang kasabay ng pagsasabing binabaligtad lamang ng mga pulis ang tunay na pangyayari.
- Latest