Motorsiklo salpok sa bahay: 1 patay, 2 sugatan
MANILA, Philippines - Isa ang nasawi habang dalawa pa ang malubhang nasugatan matapos na sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang bahay kahapon ng madaling-araw sa Taguig City.
Dead-on-arrival sa Pateros District Hospital ang biktimang si Jhon Rey Sagun, na nabagok ang ulo at nagkabali-bali ang buto. Ginagamot naman sa nabanggit na ospital ang dalawang kasama nito na sina Afred Lumbay, 16; at Bryan Morales,17, pawang mga naninirahan sa Santo Niño St., Brgy. Central Village, Taguig City sanhi rin ng mga tinamong pinsala sa ulo at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Batay sa report, dakong alas-3:00 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Sampaloc St., Brgy. North Signal Village ng nasabing lungsod.
Ayon sa mga saksi, magkaka-angkas ang mga biktima sa isang Honda motorcycle at habang binabagtas nila ang naturang lugar, nagpagewang-gewang ito kaya hinihinalang mga nakainom ang mga sakay nito.
Posibleng nag-trip pa umano ang mga ito dahil nakadaan na ang mga ito sa may humps ay bumalik pa sabay na pinaharurot ang kanilang sinasakyang motorsiklo.
Pagadaan muli sa humps ay nawalan na ng kontrol hanggang sa tuluyang sumalpok ang mga ito sa isang bahay.
Tumilapon ng ilang metro ang mga biktima na naging sanhi ng pagkasawi ni Sagun at lubhang pagkasugat ng dalawang kasama nito.
- Latest