Pintor patay, 2 pa sugatan nang makuryente
MANILA, Philippines - Isang pintor ang patay habang dalawa pang kasamahan nito ang nagtamo ng matinding sugat sa katawan makaraang tamaan ng malakas na boltahe ng kuryente ng Meralco habang gumagawa sa isang bahay sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, nakilala ang nasawi na si Ivan Soledad, 28, binata; habang ang mga sugatan naman ay sina Berlin Asuncion, 31; at Rommel Peseto, 32; pawang mga kawani ng Escon builders at residente sa Bgy. Culiat.
Sabi ni SPO2 Jaime Jimena, may-hawak ng kaso, si Soledad ay nasawi habang sinusubukang iligtas ng mga manggagamot sa may East Avenue MeÂdical Center kung saan naman nagpagaling ang mga biktimang sina Asuncion at Peseto.
Lumilitaw na nangyari ang insidente sa bahay na kanilang ginagawaan sa no. 86 K 6th St., Kamias, ganap na alas-3:45 ng hapon. Abala sa pagtatanggal ng scaffoldings ang mga biktima sa ikalawang palapag ng naturang bahay nang madikit ang hawak nilang led pipes ng scaf foldings sa buhay na kawad ng kuryente ng Meralco.
Dahil dito, sabay-sabay na nakuryente ang tatlo, pero sina Asuncion at Peseto ay nagawang makahawak sa isa pang scaffoldings na nakapirmi sa lugar kung kaya hindi sila nahulog na tulad ni Soledad na tumalsik at diretsong bumagsak sa ibaba ng una ulo, ayon pa sa ulat.
- Latest