2 pulis huli sa panggagahasa, robbery-extortion

MANILA, Philippines - Arestado ang dalawang pulis makaraang ireklamo ng panggagahasa at pango­ngotong ng isang babae na live-in partner ng isang lalaki na inakusahan ng kaso sa iligal na droga, kahapon sa Pasay City.

Ayon kay Supt. Joel Villa­nueva, deputy chief ng Pasay Police, sinampahan na ng kasong robbery extortion sa Pasay Prosecutors Office ang mga suspect na sina PO1 Jonathan Castro at PO1 Marvin Panaga, kapwa nakatalaga sa Police Community Precinct 10 ng Pasay police. Sinampahan rin ng kasong panggagahasa si Castro.

Inireklamo ang mga suspect ng biktimang itinago sa pangalang “Mercy”, 22-anyos, ng NHA Housing, Merville Access Road, Brgy. 201 Zone 20, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Pasay Criminal Investigation Division, unang dinampot ng dalawang pulis si Raymond Ladera, live-in partner ng biktima, dahil sa pag-ihi sa pader at inakusahan pa ng pagdadala ng iligal na droga kamakalawa ng gabi. Ikinulong si Ladera sa PCP 10.

Agad na pinuntahan naman ni Mercy ang kinakasama sa istasyon at nakitang nakakulong ang lalaki. Dito umano siya nilapitan ng naturang mga pulis at hiningan ng halagang P200,000 para hindi sampahan ng kaso ang kinakasama at agad na mapalaya. Nagkaroon ng tawaran hanggang sa maibaba ito sa P40,000.

Umabot lamang sa P15,000 ang nakalap na pera ni Mercy at saka bumalik ng PCP. Isinama umano siya ni PO1 Castro sa loob ng isang nakaparadang sasakyan sa harap ng istasyon. Dito pinilit umano ng pulis na hubarin ang kanyang panty at bra at saka siya sinimulang paghihipuan.
Nang pilit na ipapasok na ang ari sa kanya, nagawa umano niya na maitulak ito kaya nagkasya na lamang ang suspek na magparaos sa pamamagitan ng kamay habang hinahawakan ang kanyang kaselanan.

Nang makaraos, kinuha umano ng pulis ang pera niyang P15,000 at saka bumalik sa loob ng istasyon at pinalaya ang kanyang ka-live-in. Lumapit naman ang mag-live-in sa GMA 7 na siyang humi­ngi ng tulong sa pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto kahapon ng umaga sa dalawang suspect.

Nagsasagawa naman ngayon ng dagdag na imbes­tigasyon ang pulisya sa insidente upang maberepika ang naturang sumbong.  Na­ngako naman ang Pasay Police na walang whitewash sa kaso at isasailalim sa karampatang proseso ang kaso.
 

 

Show comments