MANILA, Philippines - Pormal nang sinampahan ng kaso ng Quezon City Police District sa piskalya ang tatlong suspect sa pagpatay kay Maconacon, Isabela Mayor Erlinda Domingo, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Chief Insp. RoÂdelio Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, kasong murder at attempted murder ang inihain nilang kaso laban kina Christian Pajenado, 38; Michael Domingo, 38; pawang residente sa Brgy. Commonwealth; Mary Grace Malones- Abduhadi, 25, ng Brgy. Culiat.
Bukod dito, nahaharap din sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, illegal possession of firearms and ammunition at violation to Omnibus Election Code ang mga suspect.
Sabi ni Marcelo, ang kaso ay matapos na ituro ang mga suspect ng driver ni Mayor Domingo na si Bernard Plasos, 35, na sugatan din sa naganap na insidente.
Sabi naman ni assistant city prosecutor Rodrigo del Rosario, ang kaso ay base sa isinumiteng report sa kanila ng awtoridad at sa mga testigong nagpatunay na kasama sila sa nasabing pamamaril.
Samantala, todo tanggi naman ang tatlo sa bintang laban sa kanila kung saan wala umano silang nalalaman dito.
Ayon sa suspect na si Pajenado na naging susi para madakip ang dalawa pa nilang kasamahan ay nagsabing napilitan lamang siyang magtuturo, dahil pinahirapan umano siya ng mga awtoridad.
Itinanggi naman ng QCPD ang paratang ni Pajenado, dahil ayon kay Marcelo, karaÂniÂwang alibi na ng mga suspect ang ganoong paratang para makaligtas sa posibleng asunto.
Patuloy namang tinutugis ang tatlo pang suspek na sina Marsibal Abduhadi, alyas Bagwis; isang alyas Khalid, at isang Ryan Santiago na hanggang ngayon ay nakakalaya pa.
May impormasyon na ang pulisya kung nasaan ang nasabing mga suspect na hindi pa nakakalabas ng lungsod na ngayon ay minomonitor na nila sa kasalukuyan.
Pangunahing target nilang mahuli si alyas Bagwis dahil ito umano ang may nalalaman sa lahat ng naging transaksyon sa pagpatay sa mayora at kikilala kung sino ang tunay na mastermind.
Samantala, wala namang piyansang inirekomenda ang QC Prosecutor’s Office laban sa mga akusado.