Nanloob sa China Bank sekyu na bantay-salakay, arestado
MANILA, Philippines - Nalambat na ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang security guard na suspect sa panloloob sa China bank noong nakaraang taon matapos ang walang humpay na follow-up operation sa pinagtaguan nito sa Agusan del Sur, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ni QCPD director Police Senior Supt. Richard A. Albano ang suspect na si Reynante Gante, 34, tubong-Davao Oriental at residente sa Block 2, Lot 8, Lolo Tinong Subdivision, Montalban, Rizal.
Si Gante ay nadakip ng tropa ng QCPD-Criminal Investigation and Detection unit sa pamumuno ni Chief Insp. Rodel Marcelo at Police Regional Office 13 Caraga (PRO-13) sa Purok 5, Sitio Lilo, Brgy. Sta. Ines, San Luis, Agusan del Sur ganap na alas-6 ng umaga. Si Gante ay dating security guard ng Audacious Security Services na sinibak ng China Bank matapos ang kanyang panloloob dito. Matapos ang panghoholdap ay nagtago ang suspect sa Agusan kung saan ito pansamantalang nanirahan.
Ayon pa kay Marcelo, natukoy si Gante na siyang nanloob sa China Bank nang makunan ang mukha niya ng video footage ng CCTV ng banko habang binabaklas niya ito.
Agad na sinampahan ng CIDU ng reklamo ang suspect kung saan lumabas ang warrant of arrest laban sa kanya na inisyu ng Regional Trial Court Branch 77, hanggang sa maaresto ang suspect sa nasabing lugar.
Nabatid na si Gante ay nagtago sa Agusan dahil nag-negosyo na lamang ito ng small mining mula sa nakuha niyang pera sa banko. Sa panayam naman kay Gante, inamin nito na siya ang nanloob sa China Bank, dahil nasilaw umano siya sa pera at naging biglaan ang plano. Bukod dito, nagkaroon umano sila ng away ng branch manager ng China Bank na masyado umanong minamaliit siya. Inamin nito na bumili siya ng tatlong ektarya ng lupa sa Agusan para pagtaniman ng palay at mais.
Nabatid na umabot sa P1.5 milyon ang nakulimbat ni Gante sa naturang panloloob. Kaya naman nang hulihin ng awtoridad ay nasorpresa siya, pero agad din siyang sumama para sagutin ang kanyang mga kasalanan.
- Latest
- Trending