Bangkay ng amo, binantayan ng aso
MANILA, Philippines - Minsan pang napatunayan ang kasabihang, “Dog is man’s bestfriendâ€. Ito’y matapos masaksihan ang pagtahol, pagluha at tila ginigising ng isang aso ang bangkay ng kanyang amo na nasawi sa hindi pa batid na dahilan sa Mandaluyong City kahapon ng umaga.
Nadiskubre ng mga tauhan ng Criminal Investigation Unit ng Madaluyong police ang bangkay ni Aurora Salloman, 66, retiradong clerk ng National Center for Mental Health at nakatira sa Palanca Compound, Nueve de Pebrero St., Brgy. Mauway sa lungsod na tinatanuran ng kanyang aso.
Ayon kay PO3 Edison Plarisan, ganap na alas-10:40 ng umaga ay tumawag sa kanilang tanggapan si Elizabeth Bernardo, kapitbahay ng biktima at ibinalita ang kakaibang amoy sa kanilang lugar. Hinala ni Bernardo na posibleng may nangyari sa loob ng bahay ng biktima dahil limang araw nang hindi nakikitang lumalabas ng kanyang tahanan si Salloman.
Agad namang nagresponde ang mga awtoridad at pagpasok nila sa bahay ng biktima ay nakita nilang binabantayan ng aso ang bangkay ng kanyang amo na tila ginigising at lumuluha ito.
Sa takot ng mga pulis na kagatin sila ng aso ay nagpatulong pa sila sa mga tauhan ng Bantay Bayan para siluin muna ito.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na natural death ang pagkamatay ng biktima na posibleng inatake sa puso kung saan ay huli siyang nakitang buhay noong Enero 18 na kasama ang kanyang aso na naglalakad sa kalsada. Ang aso ay nasa pangangalaga ng barangay.
- Latest