Bebot lasog sa PUJ
MANILA, Philippines - Isang hindi nakikilalang babae ang nasawi matapos na mabundol ng humahagibis na pampasaherong jeepney sa may Quirino Highway sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Inilarawan ang biktima sa edad na 35-40, balingkinitan ang pangangatawan, nakasuot ng maong pants at kulay pink na t-shirt. Ang biktima ay nabundol ng isang jeepney na minamaneho ng isang Ronel Malte, 23, at naninirahan sa may Don Julio Gregorio, Novaliches sa lungsod.
Sa ulat, nangyari ang insidente sa may Quirino Highway sa harap ng Baesa Town Center, Baesa ganap na alas-6 ng gabi.
Sinasabing binabagtas ng sasakyan ni Malte ang Quirino Highway, galing sa Balintawak patungong direksyon ng NovaÂliches nang pagsapit sa naturang lugar ay nabundol nito ang tumatawid na biktima.
Sa lakas ng pagkakabangga, nagtamo ng matinding sugat sa ulo ang biktima na agad nitong ikinasawi.
Agad namang inaresto ng mga opisyal sa barangay ang driver na si Malte at dinala sa naturang himpilan.
Kasong reckless imprudence resulting to homicide ang kinakaharap ngayon ng suspect, habang ang biktima ay nasa pangangalaga naman ng Everlasting Funeral homes para sa awtopsiya.
- Latest