Estudyante tumalon mula 9th floor, lasog
MANILA, Philippines - Lasog ang isang 19-anyos na binata makaraang bumagsak buhat sa ika-9 na palapag ng condominium building kahapon ng umaga sa Mandaluyong City.
Nakilala ang nasawi na si Luke Daryl Santos, estudÂyante ng Philippine Maritime Institute at nakatira sa isa sa unit sa 9th floor ng GA Tower 1 Bldg., sa may Cordillera Street, Brgy. Malamig, ng naturang lungsod.
Sa inisyal na ulat ng Mandaluyong City Police, naganap ang insidente dakong alas-7 ng umaga. Nagulantang na lamang ang mga residente ng naturang gusali sa biglang paglagabog sa ibaba at matagpuan ang duguang katawan ng biktima.
Ayon sa kaibigan ni Santos na si Bryan De Mesa, galing sila sa inuman na umabot ng madaling araw at naibuhos sa kanya ng nasawi ang hinaing sa problema sa mga magulang dahil sa pagkakaroon ng ibang pamilya ng kanyang ama.
Nang ihatid niya ito sa tinutuluyang condo, sa halip na kumatok sa pinto ay sa may fire exit nagtungo ang biktima. Inihabilin pa umano kay De Mesa ng biktima ang cellular phone nito at mga kaibigan na siya na ang bahala.
Lumipas ang 15 minuto ay hindi pa bumabalik ang biktima. Sinundan niya ito at nakitang nakahawak sa railing ng rooftop ng gusali. Nagawa naman ni De Mesa at ng ina ng biktima na mapigilan ito at maipasok sa kanilang unit.
Ngunit nagawang makapuslit ni Santos at saka dire-diretsong tumalon buhat sa rooftop ng gusali.
Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang insidente.
- Latest