Bebot, todas sa pamamaril ng sekyu
MANILA, Philippines - Isang hindi pa nakikilalang babae ang nasawi makaraang barilin ng security guard ng isang private compound nang mamataan ang biktima na kahina-hinalang gumagala sa binabantayan nitong puwesto, kamakalawa ng madaling araw sa Parañaque City.
Patuloy na kinikilala ng pulisya ang nasawing biktima na nagtamo ng tama ng bala sa may kili-kili.
Nakuha sa posesyon nito ang cutter plier, swiss knife at isang matulis na bakal kaya hinihinalang pagÂnaÂnakaw ang motibo nito.
Sa halip na harapin naman ang imbestigasyon, tumakas ang sekyu na si Jonathan Lasado, ng Red Eye Security Agency at nakatalaga sa Bio Research compound na nasa Dr. A. Santos Avenue, BF Homes, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Parañaque City Police, naganap ang pamamaril dakong ala-1 ng madaling-araw.
Ayon kay Alfonso Bernardino, officer-in-charge (OIC) ng Red Eye Security Agency, nagtungo sa kanya si Lasado at iniulat ang nagawa niyang pagbaril sa isang hindi nakilalang tao na sinasabi nitong magnaÂnakaw sa isang bahagi ng compound.
Habang iniuulat ni Bernardino ang pangyayari sa kanilang opisyal, nagpasyang tumakas na si Lasado at iniwan ang 12 gauge shotgun at .9mm pistol nito.
Sinabi ni Bernardino sa pulisya na madalas na may nangyayaring naÂkawan sa loob ng tinatanuran nilang compound kaya’t posibleng pagnanakaw ang pakay ng biktima na nabaril ni Lasado.
Handa naman umanong tumulong ang kanilang ahensya sa pagsuko ni Lasado upang harapin ang pangyayari at ipagtanggol ang sarili.
- Latest