Lalaki lasog sa hit and run
MANILA, Philippines - Patay ang isang hindi nakikilalang lalaki matapos na ma-hit-and-run ng isang taxi sa may B. Serrano Avenue, sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Isinalarawan ni PO3 Perlito Datu ng Quezon City Police Traffic Sector 3 ang biktima sa edad 35-40, may suot na puting t-shirt at itim na shorts.
Ayon kay Datu, patuloy pa nilang inaalam ang sinasabing taxi na nakabundol sa biktima na biglang nawala matapos ang insidente na naganap sa kahabaan ng Col. B.Serrano Avenue, Brgy. Bayanihan ganap na ala-1 ng madaling- araw.
Sinasabing papatawid ang biktima sa lugar nang biglang dumating ang isang taxi na mula sa direksyon ng EDSA patungo sa Katipunan Avenue at biglang binundol ang una.
Sa kabila nito, hindi man lamang huminto ang driver ng taxi, sa halip matuling pinaharurot niya ito papalayo.
Ayon pa sa nakasaksi, sa lakas ng pagkakabunggo, tumilapon ang biktima saka humandusay sa kalye na duguan at namatay noon din. Gayunman, itinakbo pa rin ito ng mga barangay tanod sa East Avenue Medical Center pero idineklara na itong patay.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.
- Latest