2 bus nagsalpukan: 19 pasahero sugatan
MANILA, Philippines - May 19 na pasahero ang sugatan, makaraang magbanggaan ang dalawang bus sa kahabaan ng Commonwealth Avenue lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Ayon kay SPO1 Gary Talacay, traffic investigator, nangyari ang salpukan ng dalawang bus ganap na alas- 6:30 ng umaga sa may south-bound lane sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, partikular sa harap ng UP-Ayala Techno Hub, Barangay Old Capitol Site, Diliman.
Sabi ni Talacay, ang banggaan ay kinabibilangan ng isang Jayross Lucky 7 bus (TXR-476) at isang Prado bus (TXR-476).
Bagama’t walang nasugatan sa sakay ng Jayross Lucky 7 bus, ayon sa imbestigador ang lahat ng 19 sugatang pasahero ay pawang mga sakay sa Prado bus na minamaneho ni Junrey Nunez, 34.
Dinala ang mga sugatang biktima ng rescuers mula sa Metropolitan Manila Development Authority sa East Avenue Medical Center (EAMC). Hindi naman nasugatan si Nunez sa insidente.
Katwiran ni Nunez, nawalan umano ng preno ang kanyang bus kung kaya bumangga siya sa Jayross Lucky 7 bus na nasa harapan niya.
Sabi naman ni Gregorio de Jesus, 42, driver ng Jayross Lucky 7 bus, huminto siya sa lugar nang may bumabang isang tindera ng isda mula sa isang pampasaherong jeepney na nasa harapan niya.
Dagdag ni De Jesus, sinisensyasan pa lang niya ang vendor na lumarga nang tumbukin ang likurang bahagi ng bus niya.
Dahil sa impact, ang bahagyang nahagip ng Jayross Lucky 7 bus ang tindera saka tumilapon ang isa sa dala nilang timba sanhi para kumalat ang isdang tinda nito sa kalsada.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa naturang insidente.
- Latest