Hindi maipagamot ang anak, obrero nagbigti
MANILA, Philippines - Nabagabag sa malaking halaga ng bayarin dahil sa anak na may sakit, isang obrero ang natagpuang nakabigti sa isang construction site sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Ang naagnas nang bangkay ni Rolando Garcia, 43, ay nadiskubre sa kubeta ng Mega Parking construction site sa Brgy. Culiat ganap na alas-6:50 ng umaga.
Pinaniniwalaan ng pulisya na may apat na araw na ang ginawang pagbibigti ng biktima dahil lumobo na ang katawan nito.
Nabatid na huling nakita ang biktima ng kanyang kasamahan noong Dec. 23 habang tinatangka nitong mangutang ng pera dahil sa maysakit niyang anak.
Natagpuan ang bangkay ng biktima ng kasamahang si Francisco Pamanan, 41, habang papasok sa trabaho sa may Central Avenue nang mapuna nito ang mabahong amoy na nagmumula sa site, kung saan nakatayo ang parking building.
Hinanap ni Pamanan sa construction site ang amoy hanggang malaman niya na nasa loob ng comfort room ito nagmumula. Dito na nakita si Garcia na nakabigti mula sa steel beam sa loob ng kubeta gamit ang nylon cord.
Isa pang kasamahan na si Raymark Rafil, ang nagsabi na noong umaga ng Dec. 23, ay pinautang pa niya ng P500 si Garcia para sa gamot ng kanyang anak.
- Latest