Dalagita nandukot ng sanggol, huli sa bus station
MANILA, Philippines - Hindi nagawang maitakas ng isang dalagita ang dalawang buwang gulang na sanggol na dinukot nito sa Parañaque City makaraang madiskubre ng isang kumadrona ang kanyang krimen habang sakay ng isang bus patungo ng Quezon City kamakalawa ng gabi.
Hawak ngayon ng Parañaque City Police ang dalagita na itinago sa pangalang Gigi, 16-anyos, at isinasailalim sa masusing imbestigasyon upang mabatid kung miyembro ito ng isang sindikato.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, dakong alas-8 kamakalawa ng gabi nang madiskubre ni Marilyn Santogus, 23, ang pagkawala ng kanyang sanggol na natutulog sa duyan makaraang magising siya sa mahimbing na pagtulog sa loob ng kanilang bahay sa Block 2 Lot 25 C-5 Road, Seaside, Brgy. Tambo ng naturang lungsod. Agad na iniulat ni Santogus at kanyang live-in partner na si Alexander delos Santos ang pagkawala ng paslit sa pulisya.
Nabatid naman na dakong alas-8 ng umaga, sakay na ang dalagita sa isang pampasaherong bus na may biyaheng Sapang Palay sa Bulacan bitbit ang sanggol nang pansinin ito ng kumadronang si Imelda Tabora dahil sa walang tigil na palahaw ng iyak ng bata.
Pinayuhan ni Tabora ang dalagita na padedehin ang sanggol ngunit sinagot siya na wala siyang dalang gatas at anak umano ng kanyang tiyahin ang bata. Dito na nagduda si Tabora kaya hiniling nito sa konduktor ng bus na humingi ng tulong sa pulis.
Tinangka pa umanong tumalon ng bus ng dalagita ngunit agad itong napigilan ng driver at konduktor at dinala sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya sa Quezon City.
Sa imbestigasyon, natuklasan na dinukot nga ng suspek ang sanggol na mga anak nina Santogus at Delos Santos. Naisoli na rin agad ang naturang sanggol sa kanyang mga magulang.
- Latest