Dahil sa gas leak paputok ban sa 3 barangay sa Makati
MANILA, Philippines - Mahigpit pa ring ipinatutupad ang all-out ban sa lahat ng uri ng paputok at maging pailaw sa tatlong barangay sa Makati City na tinamaan ng gas leak dalawang taon na ang nakalilipas.
Ito ay dahil sa patuloy pa rin umano na nakalalanghap ng gas sa ilang lugar sa Brgy. Bangkal, Pio del Pilar at Magallanes na siyang pinakamalapit sa West Tower Condominium na unang natuklasan na nagkaroon ng gas leak sa tubong pag-aari at pinatatakbo ng First Philippine Industrial Corporation (FPIC) noong Hulyo 2010.
“Since the problem of the oil leak has not been resolved with finality, the ban on firecrackers, pyrotechnics and similar explosive materials will continue to be strictly implemented in the three affected barangays,” ani Mayor Jejomar Erwin Binay.
Tulad ng mga nakaraang pagsalubong sa Bagong Taon, pinayuhan ni Binay ang mga residente ng naturang tatlong barangay na sa halip na paputok at pailaw ay gumamit na lamang ng mga torotot, pagkalampag sa mga kaldero at kawali at pagbusina sa mga sasakyan.
Nananatili pa rin umano ang panganib na maaaring pagmulan ng pagsabog o sunog ang pagpapaputok ng mga residente dahil nasa hangin pa ang masamang kemikal na dulot ng oil leak.
Matatandaan na ipinasa ng Sangguniang Panglungsod ng Makati ang City Ordinance No. 2010-A-020 na nagpapataw ng multang P5,000 at anim na buwang pagkakulong sa bawat personalidad na mahuhuling gagamit ng paputok at magbebenta.
Kung kompanya o korporasyon naman ang makikitang lalabag, ang presidente o general manager ang mananagot sa batas.
Bukod dito, ipinaalala rin ni Binay ang ban sa lahat ng barangay na nasasakop ng Makati ang pagbebenta ng lahat ng uri ng paputok sa mga paslit. Inatasan nito ang mga opisyal ng barangay at Makati Police na mahigpit na ipatupad ang mga ordinansa laban sa paputok upang makatiyak na ligtas ang publiko sa pagsalubong sa Bagong Taon.
- Latest