Kumitil sa buhay ng 7 katao sky lantern sinisilip na sanhi ng sunog sa QC
MANILA, Philippines - Ang pagpapalipad ng sky lantern ang isa tinitingnang dahilan ng Quezon City Fire Department na sanhi sa pagkasunog ng 18 apartment units sa lungsod na ikinasawi ng pito katao noong araw mismo ng Pasko.
Ayon kay Senior Fire Officer 1 Rosendo Cabillan, fire investigator ng QC-BFP, ang nabanggit na dahilan ay base sa mga impormasyong ibinigay sa kanila ng apat na testigo na nakakita bago ang paglagablab sa isang unit na pag-aari ni Dr. Carlos Filamor Sr. na matatagpuan sa #16 Rest Haven Street, Brgy. Bungad, San Jose del Monte sa lungsod.
Sinabi ni Cabillan, tinitingnan na nila ng pagpapalipad ng balloon o sky lantern na maaaring ang mismong apoy nito ang tumama sa kabahayan na nagdulot ng sunog. Aalamin din ni Cabillan kung anong oras pinalipad ito sa lugar para malaman kung akma sa oras nang sumiklab ang sunog.
Gayunman, tinitingnan din ang anggulong buhat sa sumiklab na Christmas lights at ang isa ay koneksyon ng kuryente. Samantala, patuloy pa ring inaalam ng BFP ang mga pangalan ng tatlo sa pitong biktima dahil pawang mga sunog na sunog ang mga katawan nito.
Dagdag ni Cabillan, sa kasalukuyan, ang mga pangalang Dr. Carlos Filamor Sr., 55, at asawang si Corina, 50; anak na Carlos Jr.; at si Eva Filamor-Mutuc at mga anak nitong sina Mateo Errol, 15; at Miguel Andrew, 13; at ang kasambahay na alyas Marina, ang inisyal na hawak nilang listahan, base sa ibinigay ng ilang nakakilala.
“Mahirap kasi naming sabihing sila, kasi sunog na sunog ang kanilang katawan. Ang mga pangalan natin dito eh, base lamang sa pahayag ng ilang kaanak, pero kailangan pa rin nating antayin ang resulta na manggagaling sa SOCO,” sabi pa ni Cabillan.
Maaalalang sumiklab ang sunog sa lugar ganap na alas-5:27 ng madaling-araw habang nasa kasagsagan ng pagdiriwang ng Pasko. Umabot sa Task Force Charlie ang sunog bago tuluyang naapula ito, ganap na alas-6:58 ng umaga.
Tinatayang aabot sa P7 milyon ang halaga ng ari-ariang napinsala rito.
- Latest