MANILA, Philippines - Ilang araw matapos makasamaan ng loob ang kanyang live-in partner, isang lalaki ang natagpuang nakabigti sa loob ng inuupahan niyang kuwarto sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Ang bangkay ni Mark Anthony Manalo, 28, ay nadiskubre ng kanyang kapatid na si Mary Jane sa loob ng kanyang kuwarto sa J.P. Laurel St. sa Bgy. Commonwealth ganap na alas-9:10 ng umaga.
Ayon kay PO2 Hermogenes Capili, may-hawak ng kaso, ang biktima ay nakabitin mula sa kisame ng kanyang kuwarto gamit ang electrical cord na ipinalupot sa kanyang leeg.
Sinabi ni Mary Jane, 26, kalive-in umano ng kanyang kapatid ang isang nagngangalang Wilma subalit nagkaroon ng pag-aaway nitong Biyernes kung saan iniwan ng huli ang biktima.
Huling nakitang buhay si Manalo ganap na alas-11 ng gabi habang bumibili ng sigarilyo sa tindahan.
Ayon kay Mary Jane pinuntahan niya ang kapatid para tignan ito dahil ang kwarto nito ay hindi nakasara hanggang sa nakita niya ang kapatid na nakabigti.
Dagdag pa ni Mary Jane, pera at selos ang umano’y madalas na pinag-aawayan ng dalawa.