2 trader nagbarilan: 1 patay, 1 sugatan
MANILA, Philippines - Sabog ang mukha ng isang negosyante matapos na makipagbarilan sa isa pang negosyante kahapon ng tanghali sa Tondo, Maynila.
Hindi na umabot pa sa Mary Johnston Hospital si Armando Tudla, ng Gerona St., Tondo habang nasa malubhang kalagayan naman ang nakabarilan nitong si Christopher Roxas, 32, ng nabanggit ding lugar.
Sa inisyal report ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-12 ng tanghali sa kahabaan ng Gerona St., sa Tondo.
Naglalakad umano si Tudla nang makasalubong nito si Roxas at nagkomprontahan, hindi nagtagal kapwa naglabas ng baril at nagbarilan.
Posible umanong may dati nang alitan ang dalawa at ipinasyang tapusin na sa pamamagitan ng dwelo.
Halos magkasabay na nagpaputok ng baril ang dalawa at tinamaan sa mukha si Tudla, habang sa kaliwang tagilirang katawan naman tinamaan si Roxas at nagawa pang makatakbo papalayo.
Kapwa isinugod ang dalawa sa magkahiwalay na ospital, subalit hindi na umabot ng buhay si Tudla, habang patuloy namang inoobserbahan sa Jose Reyes Memorial Medical Center si Roxas.
- Latest