Trader hinoldap, dedo sa tandem
MANILA, Philippines - Binaril muna bago tuluyang tinangay ng riding-in-tandem suspect ang bitbit na P100,000 ng isang negosyante sa isang insidente ng panghoholdap na ikinasawi ng huli sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Ayon kay SPO1 Joselito Gagaza ng QCPD-Investigation and Detection Unit, dead-on-the-spot sa lugar ang biktimang si Jesus Gamba, 44, ng Polo St., Dela Costa Homes II Subdivision, San Jose del Monte, Bulacan.
Ang nasabing salapi na nakuha ng mga suspect ay winidraw ng biktima gamit ang aabot sa 50 piraso ATM cards sa may Allied ATM machine na matatagpuan sa Grace Village, Brgy. Balingasa sa lungsod.
Sabi ni Gagaza, ang hawak nitong P50 ATM cards ay mula sa mga kawani ng isang kompanya na nagsasanla sa kanya ng kanilang ATM cards bilang collateral, para maka-utang ng pera.
Sa ulat, nangyari ang insidente sa harap ng isang bahay sa J. Aquino St., corner Sto. Domingo, Brgy. Balingasa, ganap na alas-10:45 ng gabi.
Ayon kay Bernardo La Villa, bayaw ng biktima, habang nagbibisekleta ay nakita niyang dumaan sa harap niya ang biktima lulan ng Honda motorcycle (2461-NP).
Mula rito ay biglang sumulpot ang riding-in-tandem suspect at humarang sa daraanan ng biktima saka bumaba ang backrider bitbit ang baril at tinutukan ang huli.
Nang kukunin ng suspect ang dalang shoulder bag ng biktima na naglalaman ng pera ay nanlaban ang huli, dahilan para sipain siya ng una at mahulog sa kanal hanggang sa tuluyang barilin.
Mabilis na tumakas ang mga suspect dala ang bag ng biktima na naglalaman ng naturang pera, patungo sa Sto. Domingo St.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.
- Latest