Bangkay ng lalaki natagpuang nakabitin sa puno ng mangga
MANILA, Philippines - Mistulang isang palamuti sa puno ng mangga nang matagpuan ang katawan ng isang lalaki habang nakabitin sa harap ng Land Transportation Office (LTO) sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Ang biktima ay inilarawan lamang sa pagitan ng edad 20-25, may taas na 5’4’’, payat at may balat sa kanang kili-kili. May 16 peklat na hiwa sa tiyan, nakasuot ng cargo shorts at nakasuot ng itim na t-shirt na may markang Robot Rampage.
Ayon kay PO1 Romeo Nino, may-hawak ng kaso, inaalam pa nila kung may naganap na foul play sa insidente o sadyang nagbigti ang biktima.
Nadiskubre ang katawan ng biktima ganap na alas-7:30 ng umaga sa harap ng LTO na matatagpuan sa East Avenue, Brgy. Pinyahan.
Isang babaeng sidewalk vendor ang nakapuna sa katawan ng biktima habang nakabitin sa malaking puno at natatakpan ng mga dahon.
Unang inakala ng babae na pabitin lamang dahil natatakpan ito ng mga dahon, pero nang lapitan ay saka niya nabatid na tao ang nakabitin.
Agad na ipinagbigay alam ng babae ang insidente sa mga awtoridad, lalo na ang grupo ng bumbero na siya namang pumutol sa taling nakapalupot sa leeg nito para maibaba.
- Latest