Mga driver, pasahero nalito: Bus segregation scheme, nagdulot ng matinding trapik
MANILA, Philippines - Nagdulot ng matinding pagkalito sa mga tsuper ng mga pampasaherong bus ang unang araw ng pagpapatupad ng bus segregation scheme ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kahabaan ng EDSA kahapon.
Karamihan ng mga bus driver ay hindi nakakasunod at hindi humihinto sa mga designated bus station, partikular sa bahagi ng Kamuning, Quezon City hanggang Santolan.
Nabatid na kapansin-pansin na hindi nagsasakay at nagbababa ng mga pasahero sa mga designated station ang mga bus kung kaya nagdulot ito ng trapik patungo sa katimugang bahagi ng EDSA.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, inaasahan na nila na magkakaroon ng pag-aalinlangan sa mga driver ang pagpapatupad ng bagong scheme.
Napag-alaman na sa MMDA bus segregation scheme, ang mga bus na may marking na A at B ay doon lamang maaaring magbaba at magsakay ng pasahero sa kani-kanilang markadong bus stop.
Sa ilalim ng scheme, lahat ng bus na may marking A ay doon lamang titigil sa Southbound: Ermin Garcia, Arayat Cubao, VV Soliven, Connecticut, Shaw Starmall, Guadalupe, Buendia Ave. at Mantrade. Kung Northbound naman: Ermin Garcia, Cubao Farmers, Boni Serrano, SM Megamall, Shaw Blvd., Guadalupe, Buendia Avenue at Magallanes.
Habang ang mga bus na may marking B ay doon titigil sa Southbound: Kamuning, Monte de Piedad, Main Ave., POEA Ortigas, Pioneer/Boni, Estrella,at Ayala Ave. Kapag Northbound naman ay sa Baliwag/5Star, Main Ave., Ortigas Ave., SM Megamall, Pioneer/Boni, Estrella at Ayala Avenue.
Kaugnay nito, mariing iginiit ni Tolentino na hindi nila papapasukin sa EDSA ang mga kolorum na bus o iyong mga bus na walang maayos na stickers at marka.
- Latest