Jeepney, pedicab driver todas sa pananaksak
MANILA, Philippines - Patay ang jeepney at pedicab driver matapos na pagsasaksakin sa magkahiwalay na insidente sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay SPO1 Mario Asilo, ng Manila Police District-Homicide Section, namatay habang ginagamot sa Justice Jose Abad Santos General Hospital ang biktimang si Cesar Layosa, 52, jeepney driver, ng #649 Blk 1 Baseco, Port Area, Maynila, dahil sa tatlong saksak sa katawan habang arestado naman ang suspect na si Dionisio Cabanday, 50, at kasalukuyang nakakulong ngayon sa MPD-Police Station 11.
Batay sa imbestigasyon, naganap ang insidente alas-5 ng hapon sa kanto ng Dasmariñas Bridge at Muelle de Binondo, Maynila.
Minamaneho ng biktima ang kanyang pampasaherong jeep (DEN-124) na may rutang Divisoria-Sta. Cruz nang businahan nito ang suspect na nagmamaneho ng kanyang pedicab.
Ikinagalit ito ng suspect at minura ang biktima na ginantihan din ng mura ng biktima hanggang sa mauwi sa sagutan.
Sa puntong iyon, bumunot umano ng patalim ang suspect at sinugod ang biktima saka sinaksak ng tatlong ulit.
Samantala, hindi naman naisalba pa ng mga doktor sa Tondo General Hospital ang biktimang si Danilo Mahinay, 47, pedicab driver, ng Balut, Tondo, nang saksakin ng nakatakas na suspect na nakilala lamang sa pangalang Tikboy.
Sa pagsisiyasat ni SPO1 Charles Duran, ng Manila Police District- Homicide Section, alas-6 ng umaga nang maganap ang insidente sa tinutulugan ng biktima sa garahe ng truck sa panulukan ng Kawit at Buendia Sts. Tondo, Maynila.
Ayon sa mga saksing sina Regie Damian, 27, at Lorelyn Valencia, nakita na lang nila na binabato ng biktima ang suspect at nang mahawakan ng suspect ang biktima ay kinalawit sa leeg bago sinaksak ng tatlong beses.
Sinabi ni Duran na dayo lamang sa lugar ang suspect na naghe-helper sa mga dumarating na truck.
Aniya, maangas umano ang biktima at madalas na binu-bully ang suspect kung kaya’t natiyempuhan na kagigising lamang ng huli na humantong sa away at pananaksak.
Nagsasagawa naman ng follow-up operations ang pulisya upang madakip ang suspect.
- Latest