QCPD nagbabala vs bagong modus ng riding in tandem
MANILA, Philippines - Nagbabala ang Quezon City Police District (QCPD) sa bagong modus operandi ng riding-in-tandem upang holdapin ang kanilang bibiktimahin.
Ayon kay QCPD director Chief Supt. Mario dela Vega, tatawagin ng riding-in-tandem ang pansin ng kanilang bibiktimahin sa pamamagitan ng pagsasabing flat ang gulong ng kanilang sasakyan at saka tututukan at hoholdapin.
Nabatid kay Dela Vega na ito ang nangyari sa negosyanteng si Richard Gallega, 32, taxi operator at residente ng #4029 Grapes St., Bernardino Subdivision, Brgy. Gen. T. de Leon, Valenzuela City na natangayan ng P.3 milyon ng apat na armadong lalaki.
Sa ulat ni PO2 Hermogenes Capili ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, nangyari ang insidente sa may Scout Limbaga St., sa lungsod ganap na alas-12 ng tanghali.
Ayon kay Capili, bago ang insidente, kinuha muna umano ni Gallega ang perang P200,000 na padala ng asawang nasa Palawan sa isang padala express sa España Manila, para ihulog sa bangko sa Makati City.
“Kinuha nya ang P200,000 na padala, tapos may pocket money siya na P100,000 kaya P300,000 ang kabuuang dala niyang pera para dalhin sa bangko sa Makati,” sabi ni Capili.
Habang tinatahak ni Gallega sakay ng kanyang Toyota Fortuner (TNQ-585) kasama ang isang Charlie Lutas ang lugar, bigla umanong nag-overtake ang riding-in-tandem at sinabihian ang biktima ng “Yung gulong” habang nakaturo sa gulong ng kanyang sasakyan.
Sa pag-aakalang flat ang gulong, nagpasya si Gallega na huminto at pababain si Lutas. Dito ay biglang bumaba ang backrider ng motorsiklo na armado ng baril at tinutukan si Lutas.
Sa puntong ito, sumulpot na rin ang isa pang riding-in- tandem, at biglang naglabas ng kanilang armas saka tinutukan si Gallega at kinuha ang dala nitong salaping P300,000 at dalawang cellphone saka nagsipagtakas patungo sa may Scout Santiago St., Brgy. Laging Handa.
Ayon kay Capili, base sa pahayag ng biktima, nakagawian na raw nitong gawing ruta ang nasabing lugar para iwas trapik. At wala naman umano itong napansing sumusunod sa kanya na ugat para siya magduda na may mangyayaring masama sa kanila.
Gayunman, patuloy ang pagsisiyasat ng CIDU sa nasabing insidente.
- Latest