Driver ginilitan ni lolo
MANILA, Philippines - “Binayaran na kita, yun ang sinabi niya sa akin na pasigaw, di ako nakatulog nung gabi, kinabukasan, tinodas ko na siya.”
Ito naman ang tahasang pag-amin ng isang 68-anyos na lolo na sadya niyang pinatay ang 59-anyos na taxi driver, upang hindi na maulit pa ang ikalawang beses na pag-estafa sa kanya ng halagang P25, sa Pandacan, Maynila, kahapon ng umaga.
Dead-on-arrival sa Ospital ng Maynila (OSMA) ang biktimang si Francisco Adina, residente ng #1970 Obesis St., Pandacan, habang ang suspect na si Aurelio La Madrid at kapit-kuwarto ng biktima ay agad namang sumuko kay Chairman Edmundo Tojon, ng Bgy. 844, Zone 93, Pandacan.
Sa ulat ni PO1 Anthony Boncan, ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-11 ng umaga nang maganap ang insidente sa harapan ng bahay ng biktima.
Nakaupo at may ginagawa sa tapat ng drainage ang biktima nang sugurin ng saksak sa leeg ng suspect at nang bumulagta ay dinala sa OSMA ng mga kaanak, habang ang suspect naman ay agad ding sumuko nang sunduin ni Chairman Tojon sa kanyang bahay.
Aminado rin ang suspect na napasok na siya noong 1995 sa National Center for Mental Health. Nasa Bacolod umano ang kanyang misis at nakikitira lamang siya sa kapatid sa Pandacan.
- Latest