Trader niratrat, utas sa tandem
MANILA, Philippines - Patay ang isang negosyante, makaraang pagbabarilin sa ulo at katawan ng riding-in-tandem sa lungsod Quezon kahapon.
Dead-on-the-spot sa lugar ang biktimang si Michael Domo, 34, ng Dama de Noche, Brgy. Payatas sa lungsod.
Agad namang tumakas ang mga salarin makaraan ang pamamaril.
Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa harap ng Ritz and R. C Motorcycle Parts & Accessories na matatagpuan sa panulukan ng IBP road, corner Katuparan, Brgy. Payatas ganap na alas- 6:45 ng umaga.
Bago ito, magbubukas sana ng kanyang tindahan ang biktima nang dumating ang isang motorsiklo na may backrider at huminto sa harap nito.
Ilang sandali pa biglang bumunot ng baril ang back rider saka pinaputukan ng sunod-sunod sa ulo at katawan ang biktima.
Nang matiyak na patay na ang biktima ay saka mabilis na sumakay ang gunman sa motorsiklo ng kasamahan at humarurot papalayo sa nasabing lugar.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operations (SOCO) narekober sa lugar ang limang basyo ng kalibre 22 na baril na ginamit ng suspect sa pagpaslang sa biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente upang matukoy ang posibleng motibo ng nasabing pamamaslang sa biktima.
- Latest