Piyansa ng amo ng minaltratong katulong, pinababawi sa QC court
MANILA, Philippines - Hiniling sa Quezon City court ng kampo ni Bonita Baran, ang katulong na minaltrato ng kanyang amo na bawiin ang desisyon na pagpayag na makapagpiyansa si Reynold Marzan kaugnay ng kasong serious illegal detention at serious physical injury laban dito at sa asawa nitong si Analiza Marzan.
Noong nakaraang Linggo, pinayagan ng QC court na makapagpiyansa para sa pansamantalang kalayaan si Reynold dahil sa hindi naman daw ito ang nagmaltrato at nagkukulong kay Baran kundi ang asawang si Annaliza. Si Annaliza lamang ang hindi pinayagan ng korte na magpiyansa sa kasong ito.
Sa ginanap na hearing kahapon, kaalinsabay ng pagsasampa ng petisyon sa korte ng kampo ni Baran sa pamamagitan ni Atty. Ulric Badiola, sinabi nitong hindi dapat pinayagan na makapag-piyansa si Reynold dahil ang kasalanan ni Annaliza ay kasalanan na rin nito dahil pinabayaan ni Reynold ang asawa na saktan at ikulong si Baran habang nasa kanilang poder bilang katulong.
Sa kanilang petisyon, sinabi pa ni Badiola na maging sa tuwing darating sa kanilang tahanan si Reynold ay nalalaman nito na ikinukulong ni Annaliza si Baran pero wala itong ginagawa para alisin ang katulong mula sa pagkakakulong sa kanilang store room.
Ayon kay Badiola, ang pag-tolerate ni Reynold sa maling gawain ng asawa ay malinaw na pagpapakita ng pakikipagsabwatan sa pang-aabuso kay Baran.
Isang halimbawa na lamang umano na nang malaman ni Reynold na malabo na ang paningin ni Baran dahil sa pananakit ni Annaliza ay hindi man lamang nito nagawang dalhin sa ospital ang katulong para maipagamot.
Bunsod nito, inutos naman ni QC-RTC Branch 77 Judge Germano Francisco Legaspi sa kampo ng mga Marzan na magkomento hinggil sa mga pahayag na ito ng kampo ni Baran. Itinakda ni Judge Legaspi na muling dinggin ang kasong ito sa Disyembre 18, 2012.
- Latest
- Trending