Rollback sa petrolyo, inilarga ng oil companies
MANILA, Philippines - Maagang aginaldo sa mga motorista ang panibagong rolbak na ipinatupad ngayong Martes ng madaling-araw ng mga kompanya ng langis sa bansa.
Sa advisory ng Pilipinas Shell, dakong alas-12:01 ng hatinggabi nang kanilang pangunahan ang panibagong rollback. Sinabi ni Toby Nebrida, tagapagsalita ng Shell, nasa 75 sentimos kada litro ng premium at unleaded gasoline ang kanilang itinapyas.
Nagbaba rin ang kompanya ng 10 sentimos sa kada litro sa presyo ng kerosene, 20 sentimos sa kada litro ng regular gasoline at 15 sa kada litro sa diesel.
Nagpahayag rin ng rollback ng kahalintulad na halaga ang kompanyang Phoenix Petroleum na ipatutupad dakong alas-6 ng Martes ng umaga. Inaasahan naman na susunod sa pagbababa ng presyo ang iba pang kompanya ng langis sa bansa.
Una nang inihayag ng Department of Energy (DOE) ang napipintong rollback base sa kanilang pagtataya sa presyo ng imported na langis.
Matatandaan na noong nakaraang linggo ay nagbaba na ang mga kompanya ng langis ng .60 hanggang .80 sa kada litro sa gasoline at 16 sentimos naman sa diesel.
Umaasa ang DOE na magtutuluy-tuloy ang pagbaba ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado upang magpatuloy rin ang pagbaba ng presyo ng lokal na petrolyo hanggang sa sumapit ang Kapaskuhan.
- Latest