P.7-M natangay, kolektor todas sa riding in tandem
MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P.7 milyon ang natangay sa isang kolektor na napatay din ng riding in tandem sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ni PO3 Rodel Benitez, ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang panghoholdap dakong alas-4:30 ng hapon sa tapat ng no. 2627 Felix Huertas St., sa Sta. Cruz, malapit sa palengke ng Blumentritt.
Nabatid na naglalakad ang biktima dala ang P.7 milyon koleksiyon mula sa idineliber na panindang manok sa mga tindera sa Blumentritt nang lapitan ng mga suspect.
Nang tumanggi umano ang biktima na ibigay ang dalang bag na naglalaman ng pera ay binaril ito ng mga suspect.
Isinugod ang biktima sa Chinese General Hospital at dakong alas-9:23 kamakalawa ng gabi ng idineklarang patay habang inooperahan.
Samantala, patay din ang isang 66-anyos na lolo makaraang barilin ng riding in tandem suspect sa lungsod Quezon kamakalawa.
Dead-on-arrival sa Quezon Memorial Medical Center si Benjamin Gabriel, may-asawa ng no. 27 San Roque St., Brgy. Bagumbayan sa lungsod habang mabilis namang tumakas ang mga suspect matapos isagawa ang krimen.
Sa ulat ni PO2 Rhic Roldan Pittong, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may harap ng isang bahay sa no. 22 San Roque St., ng nasabing barangay ganap na alas-6:45 ng gabi.
Ayon kay Eugene Gabriel, pamangkin ng biktima, nasa computer shop siya nang makarinig ng putok ng baril sa naturang lugar.
Agad niyang tinignan ang pinagmulan ng putok, kung saan bumulaga sa kanya ang duguang katawan ng biktima habang nakahandusay sa kalye.
Hindi kalayuan dito ay nakita ni Eugene ang isang motorsiklo habang angkas ang isang lalaki na may hawak na kalibre .45 palayo patungo sa Pasig City.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.
- Latest