Rescue team pa ng MMDA, ipinadala sa Davao Oriental
MANILA, Philippines - Ipinadala na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ikatlong batch ng rescue team upang tumulong sa restoration at clearing operation sa mga sinalanta ng bagyong Pablo sa Davao Oriental, kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, dakong alas-4:00 ng madaling-araw nang umalis ang mga miyembro ng Public Safety Office ng MMDA upang magtungo sa Cateel, Davao Oriental.
Nabatid na una nang nagpadala ng dalawang rescue team ang MMDA patungong New Bataan, Compostela Valley bitbit ang mga water purifier para sa mga nabiktima ng bagyong Pablo.
Sinabi ni Tolentino na ang nasabing team ay gagamitin sa paghahanap, pagliligtas at retrieval operation sa mga lugar na labis na naapektuhan ng nasabing bagyo.
Aniya, ang binubuong personnel ay mula sa Road Emergency Group and Public Safety Office, mga bihasang rescue staff nurses at medical services assistance.
Bukod pa aniya sa rescue personnel, nagpadala rin sila ng dalawang toneladang water purifier para sa malinis na tubig, special search cameras, medical kits, mga basic tools, rescue kits, mga tent at generator sets.
Sinabi pa nito, na posibleng magtatagal ang mga naturang team na pinadala sa mga nasabing lugar hangga’t hindi pa natatapos ang clearing operation.
- Latest