NCRPO probe sa droga sa Taguig
MANILA, Philippines - Sinusuportahan ni Taguig Mayor Lani Cayetano ang imbestigasyon ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa alegasyong ilang miyembro ng Taguig PNP ang sangkot sa pagrecycle umano ng mga kumpiskadong bawal na droga.
“Kung mapatutunayang totoo ang mga alegasyon ay parusahan natin ang mga may sala. Pero kung ang mga alegasyon ay mapatutunayan na walang katotohanan ay marapat lamang na linisin kaagad-agad din ang pangalan ng inosente,” pahayag ni Mayor Lani.
Bagamat suportado ng alkalde ang imbestigasyon ay hinihikayat niya ang NCRPO na palawakin pa ang sakop ng imbestigasyon at isama kung sino ang mga personalidad na nasa likod ng illegal drug trade sa Taguig nang sa gayon ay malaman kung bakit naibasura ang mga kaso laban sa drug syndicate.
Pitong indibidwal na may apelyidong Tinga ang naaresto ng pulisya kabilang na ng PDEA simula pa noong1996. Kabilang sa mga suspek ay sina Elisa, Hector, Bernardo, Fernando, Allan Carlos, Alberto at Joel.
Iginiit ni Mayor Lani na nagpatupad ang kanyang administrasyon ng all-out war laban sa droga simula pa lang nang siya ay maupo bilang alkalde noong 2010.
Kanya ring tinulungan ang PDEA at ang NBI na makapaglunsad ng serye ng anti-drug operation sa Taguig na naging matagumpay.
Pinalakas din ng Taguig Police-Drug Enforcement Unit ang kampanya nito na nagresulta sa pagkakadakip sa 3rd most wanted drug dealer na si Elisa Tinga.
Magugunita na inakusahan ni PO3 Alexander Saez si Taguig PNP Chief P/Senior Supt. Tomas Apolinario Jr. at siyam nitong kabaro sa pagbebenta ng mga drogang nakumpiska sa inilatag na operasyon.
- Latest