Call center agent, tinodas ng kapwa agent
MANILA, Philippines - Isang call center agent, na sinasabing bading ang umano’y pinatay ng kanyang kapwa call center agent sa Marikina City kamakalawa ng umaga. Ang biktima ay nakilalang si Estanislao Huranilla, 51, ng Mica’s Place, 11th Avenue, Quezon City. Itinuturo namang suspek sa krimen ang isang John Lendry Moya, 18, na residente naman ng Jordan Heights Subdivision, Novaliches, Quezon City na huling nakitang kasama ng biktima bago ito natagpuang patay. Batay sa isinagawang pagsisiyasat ni SPO1 Manuel Layson Jr., ng Marikina City Police, nabatid na dakong alas-7:00 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa isang bakanteng lote sa Saboy St., corner Kingsway Subdivision, Brgy. Nangka, Marikina City.
Sa inisyal na imbestigasyon, una umanong nakitang nag-iinuman sina Huranilla at Moya sa naturang lugar kasama ang iba pa. Binanggit ng ilang testigo na narinig nilang nag-uusap ang dalawa tungkol sa singilan. Ilang sandali pa ay tumayo umano ang suspect na sinundan naman ng biktima. Kinabukasan ay nagulat na lamang ang mga residente nang makita ang bangkay ng biktima. Teorya ng mga pulis, posible umanong nagkaroon nang pagtatalo ang dalawa na nauwi sa pagpatay.
Isang hampas ng matigas na bagay sa batok ng biktima na siyang nagresulta sa pagkamatay nito.
- Latest