Dahil sa akusasyon sa droga Hepe ng Taguig police sinuspinde
MANILA, Philippines - Inilagay pansamantala sa preventive suspension si Taguig City Police chief, Senior Supt. Tomas Apolinario habang nagsasagawa ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) ng imbestigasyon sa akusasyon ng sinibak na tauhan nito na sangkot umano ang opisyal sa operasyon ng pag-recycle ng mga nakumpiskang iligal na droga sa lungsod.
Sinabi ni NCRPO chief, Director Leonardo Espina na polisiya o standard operating procedure (SOP) ng PNP ang pansamantalang pagsuspinde sa kanilang mga opisyal o tauhan na nahaharap sa seryosong akusasyon. Hindi naman umano nangangahulugan ito na totoo nang may kasalanan ang opisyal hanggat hindi nailalabas ang resulta ng imbestigasyon.
“For the meantime, while the investigation is ongoing doon sa kanilang mga stations and place them here dito sa Regional Personnel Holding and Administrative Unit,” ani Espina. Magkasama umano sa RPHAU sina Apolinario at ang nagrereklamong tauhan na si PO3 Alexander Saez.
Matatandaan na nagpasaklolo sa National Bureau of Investigation (NBI) si Saez makaraang suspendihin ito ni Apolinario. Inakusahan ni Saez si Apolinario na nag-uutos umano sa kanila na i-recycle o ibentang muli ang mga nakukumpiskang mga ebidensya na iligal na droga.
Nakarating pa umano sila sa New Bilibid Prisons (NBP) sa pakikipagtransaksyon sa isang bigtime Chinese drug lord at nakabenta ng malaking halaga ng shabu. Ipinagkibit-balikat naman ito ni Apolinario na sinabing nais lamang makaganti ni Saez na kanyang sinuspinde dahil sa akusayon ng pangongotong.
Sinabi ni Espina na papakinggan nila ang mag kabilang-panig at mga ebidensya upang mabatid kung sino ang nagsasabi ng totoo. Kabilang dito ang pormal na reklamo ni Saez sa NBI na kokontakin ng binuo nilang “special investigation panel”.
Pansamantalang maglalagay muna ng OIC (Officer-in-Charge) si Espina para mamahala sa Taguig Police habang hindi natatapos ang imbestigasyon.
- Latest