2 lider ng drug syndicate, timbog
MANILA, Philippines - Dalawang kilabot na lider ng isang drug group, kabilang ang isang menor-de-edad, ang naaresto ng Anti-Narcotics agents ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang pagsalakay sa kanilang lungga sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon kay PDEA Director General, Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang operasyon ay ginawa ng PDEA Regional Office-National Capital Region (PDEA RO-NCR) bunga ng search warrants sa tatlong bahay sa Lakas Street sa kahabaan ng Tandang Sora Avenue, Brgy. Matandang Balara, Quezon City.
Pangunahing nasa warrants ang suspect na si Armando Iglesia, alyas Bukol, 46, driver; at isang 16-anyos na batang lalaki na agad namang naaresto sa operasyon, ganap na alas-4:00 ng hapon.
Narekober ng PDEA ang mga sachets ng methamphetamine hydrochloride, o shabu, mga drug paraphernalia at dalawang kalibre 38 pistola.
Ang mga suspect ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) at Section 12 (Possession of Equipment, Instrument, Paraphernalia), Article II, ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sila ay nakapiit ngayon sa PDEA custodial facility sa Quezon City.
- Latest