Tsinoy utas sa holdaper na riding-in-tandem
MANILA, Philippines - Patay ang isang 62-anyos na negosyanteng Tsinoy nang pagbabarilin ng holdaper na riding-in-tandem nang tumanggi umanong ibigay ang kanyang mga alahas sa Sta. Mesa, Maynila, kahapon ng umaga.
Hindi na umabot ng buhay sa Lourdes Hospital ang biktimang si Leonardo Chua, ng Junction Tuguegarao City, Cagayan at pansamantalang nanunuluyan sa isang kamag-anak sa Aliw-iw St., Sta. Mesa, Maynila sanhi ng limang tama ng bala sa katawan.
Mabilis na humarurot ang hindi pa kilalang mga suspect na magkaangkas sa isang kulay pula at kumbinasyong itim na motorsiklo.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-7:15 ng umaga nang maganap ang pamamaril sa Aliw-iw St., Sta. Mesa, Maynila.
Nakaparadang bukas ang pintuan ng kulay pulang Nissan Patrol (BCT 678) ng biktima habang nasa loob ito at diumano’y hinihintay ang kanyang driver nang dikitan ng motorsiklo ng suspect.
Bumaba umano ang nakaangkas at nagdeklara ng holdap habang ang nagmaneho ay humarang sa harapan ng sasakyan ng biktima.
Tumanggi umano ang biktima na ibigay ang kanyang mga alahas na nagkakahalaga ng P90,000 kaya ito binaril, bago tuluyang tumakas ang mga suspect.
- Latest