Mag-asawang Chinese trader, patay sa tandem
MANILA, Philippines - Patay ang mag-asawang Chinese makaraang pagbabarilin ng riding in tandem sa naganap na payroll robbery kahapon ng umaga sa Malabon City.
Nakilala ang mag-asawang biktima na sina Mintin Ong, 70, may-ari ng White Horse plastic factory at naninirahan sa Brgy. Tenejeros sa lungsod at ang kanyang misis na si Quency, 60. Kapwa idineklarang dead on arrival sa Manila Central University ang mga biktima matapos ang naganap na krimen.
Nabatid na si Mintin ay nagtamo ng tama ng bala ng baril sa dibdib habang sa ulo naman si Quency.
Base sa ulat kabababa pa lamang ng mag-asawa sa kanilang Toyota Rav 4 (TXO-315) sa harap ng kanilang factory ganap na alas-6:30 ng umaga nang biglang sumulpot sa kanila ang mga suspect lulan ng motorsiklong walang plaka.
Agad na inagaw ng back-rider ang bag ni Quency na naglalaman ng P100,000 na umano’y pampasuweldo sa kanilang mga empleyado. Gayunman, nakipag-agawan si Quency dahilan upang barilin siya ng suspect. Tinangka namang saklolohan ni Mintin ang misis subalit maging siya ay binaril ng mga suspect.
Mabilis na tumakas ang mga salarin dala ang bag ng biktima.
Narekober sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang tatlong shells ng .45 cal. pistol.
Tinitingnan ng pulisya ang anggulong posibleng may kasabwat sa loob ng factory ang mga suspect na maaaring nagtimbre sa mga ito na may dalang perang pampasuweldo ang mag-asawa.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso.
- Latest