Binata itinumba sa harap ng kinakasama
MANILA, Philippines - Isang construction worker ang nasawi habang isang dalagita na tinamaan ng ligaw na bala ang sugatan makaraang pagbabarilin ang una ng hindi nakikilalang salarin sa harap mismo ng kanyang kinakasama sa lungsod Quezon, inulat kahapon.
Dead-on-arrival sa ospital ang biktimang si Darwin Dandan Amasan, 18, at residente sa Yakal St., Brgy. Commonwealth sa lungsod.
Agad namang nalapatan ng lunas ang sugatang biktima na si Diana Betonio, 17, matapos tamaan ng ligaw na bala sa katawan.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Lawin St., Brgy. Commonwealth ganap na alas- 9 ng gabi.
Bago ito, nag-uusap umano ang biktima at kanyang kinakasamang si Arrolyn Oreta nang biglang sumulpot mula sa kanilang likuran ang suspect na armado ng baril.
Dito ay biglang pinaulanan ng bala ng suspect ang biktima, sa harap ni Oreta na walang nagawa sa kabiglaanan. Nang duguang bumuwal sa lapag ang biktima ay saka naglakad papalayo sa lugar ang suspect na parang walang nangyari at tumakas.
Sa puntong ito, nagsisigaw ng paghingi ng saklolo si Oreta sa kanyang mga kaibigan para itakbo ang biktima sa Malvar General Hospital pero hindi na rin ito umabot pa ng buhay.
Samantala, di-kalayuan sa lugar ay tinamaan naman ng ligaw na bala si Betonio at itinakbo ng kanyang kaanak sa East Avenue Medical Center para malapatan ng lunas. Patuloy ang pagtugis ng awtoridad sa naturang suspect na nakasuot umano ng itim na jacket at bull cap.
- Latest