Kano huli sa P50-M halaga ng shabu
MANILA, Philippines - Umiskor ang mga operatiba ng PNP-Anti Illegal Drug Special Operations Task Force (PNP-AIDSOTF) matapos maaresto ang isang Amerikanong big-time drug supplier na nakumpiskahan ng P50 milyong halaga ng shabu sa raid sa isang condominium unit sa Makati City kahapon ng tanghali.
Sa panayam kay Chief Inspector Roque Merdequia, spokesman ng PNP-AIDSOTF, bandang alas-11 ng tanghali nang salakayin ng kanilang mga operatiba ang Column Tower sa kanto ng Ayala at Buendia sa lungsod.
Arestado sa operasyon ang suspect na kinilala nitong si Brian Hill, 32, na may apat na taon ng naninirahan sa Pilipinas.
Si Hill, ayon sa opisyal ang supplier ng illegal na droga ng ilang mga kilalang personalidad sa Makati.
Nasamsam mula sa kuwartong inookupa ni Hill ang isang kilo ng shabu at karagdagan pang 9 kilo sa isang Pajero nito na red plate (SEP-825) na nakarehistro sa NAPOCOR o kabuuang sampung kilo na nagkakahalaga ng P50 milyon.
Nabatid na ang nasabing suspect ay kararating lamang nitong Lunes ng gabi galing Hong Kong at inaalam pa kung miyembro ng Hong Kong triad drug syndicate.
Sinabi pa ni Merdequia na isinagawa nila ang operasyon matapos na may mag-tip hinggil sa dalang droga ng suspect kung saan ang raid ay isinagawa sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Fernando Sagun ng Quezon City Regional Trial Court Branch 78.
- Latest