Suspects sa Julie Ann murder, binasahan ng sakdal
MANILA, Philippines - Dahil sa kapwa tikom ang bibig sa ginanap na arraignment sa kasong pagpaslang kay Julie Ann Rodelas, mismong ang Quezon City Court na ang nagpasok ng not guilty plea sa sinasabing mga utak sa krimen na sina Althea Altamirano at Fernando Quiambao Jr. kahapon.
Kasabay nito, nagpasok din ng not guilty plea ang isa pang akusado sa krimen na si Jaymar Waradji sa sala ni QCRTC Branch 223 Judge Caridad Lutero.
Bagamat noong una ay tinangka ng kampo ng mga akusado na harangin ang pagbasa ng sakdal sa mga ito sa argumentong hinuli raw ang mga suspek nang walang warrant of arrest, naituloy din ang arraignment makaraang sabihin ni Judge Lutero na nakakita ang korte ng probable cause sa kaso laban sa mga suspek.
Hindi naman nabasahan ng sakdal ang isa pang akusado sa krimen na si Gelan Pasawilan sa kasong illegal possession of firearms and ammunition dulot ng umano’y butas sa dokumentong hawak ng prosekusyon nang ihayag ng kampo ni Pasawilan na hindi nakalagay sa referral ng police investigator ang mga sinasabing ebidensya katulad ng magazine ng baril at bilang ng live ammunition.
Hiniling nito na maisailalim sa re-investigation ang akusado na pinagbigyan naman ng korte.
Kaugnay nito, itinakda naman ng korte na isagawa ang pagdinig sa kaso sa Pebrero 12, 2013.
Una rito, inutos ni Judge Lutero na ilipat na sina Altamirano at Quiambao sa QC jail, habang mananatili naman si Waradji at Pasawilan sa kulungan sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QC Police sa Kampo Karingal.
- Latest