Kelot sapul ng ligaw na bala habang natutulog
MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ang isang lalaki matapos itong tamaan ng ligaw na bala habang natutulog sa loob ng kanilang bahay kahapon ng madaling araw sa Pasay City.
Ginagamot sa Pasay City General Hospital ang biktimang si Ferdinand Cruzin, 56, M. Dela Cruz St., ng nabanggit na lungsod sanhi ng tinamong tama ng bala sa kaliwang bahagi ng mukha buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Samantala, inaalam pa ng pulisya kung sino ang responsable sa pamamaril, habang hinihintay pa ang resulta ng ballistic examination sa nakuhang bala sa mukha ng biktima.
Lumalabas sa imbestigasyon ni SPO3 Ronald Frades ng Station Investigation and Detective Management Bureau (SIDMB), Pasay City Police, naganap ang insidente dakong alas-2:00 ng madaling araw sa loob ng bahay ng biktima sa nabanggit na lugar.
Ayon sa kasama ng biktima na si Felix Garcia, nakahiga na umano sila ni Cruzin nang makarinig siya ng putok ng baril sa labas ng bahay, makalipas ang ilang segundo ay nakarinig ito ng malakas na kalabog sa bubungan. Biglang bumalikwas na duguan ang biktima bago nagkikisay sa tindi ng sakit, dahilan upang kaagad itong dalhin sa nabanggit na ospital.
- Latest